Masakit din palang magpaalam sa mga taong hindi mo man kapamilya o kamag-anak, sila namang pinanggalingan ng mga tanong-sagot-paliwanag mo sa mundo.
Si Sir Atienza, isang beses ko lang nakakwentuhan. Five years ago dumalo siya sa critics’ night ng isang play kung saan isa ako sa mga artista. Grabe, dun ko unang naintindihan kung ano ang ‘deconstruction’. At noon lang ako nakakita ng taong naghuhumiyaw ang passion. Ako din ang nagchoreograph nung movements sa dulang yun. Sabi niya sa akin maganda daw ang pagkakabuo ko ng mga imahen, tamang-tama daw at naipaabot ang mensahe in a nutshell. Natuwa ako syempre at simula noon, pinag-iisipan ko na lahat ng ginagawa ko, sayaw man o kung anu man. Tuwing nakakasalubong ko siya, kahit gaano pa ako kangarag, talagang ngingiti’t ngingiti ako with matching good morning/afternoon/evening. Isang beses din narinig ko siyang magbigay ng talk sa ACLE. Halos pumutok ang utak ko, nahilo ako sa kaalaman, sa sumasabog na passion at pag-ibig sa kapwa, sa bayan. Ibang klase siyang tao.
Si Sir Rene naman, hindi ko nakasalamuha sa totoong buhay. Nag-enrol ako sa class niya dati pero nagkaconflict sa sched kaya nagpalit ako ng class. Pero lahat ng libro niya, binili ko. Pinakapaborito ko ang “Impersonal”. Kahit hindi kami magkakilala, guro ko siya; araw-araw akong natututo sa mga naisulat niya. Pati nga children’s books na sinulat niya binili ko lahat ng makita ko. Kako kasi kung siya ang nagsulat sigurado may matututunan ang anak ko. Gabi-gabi kasama sa ritwal naming ni Maya ang mga akdang pambata niya.
Sa kanilang dalawa, abot langit ang respeto at paghanga ko. Sabi ko sa sarili ko pag nag-aral ako ulit papasok ako sa mga klase nila. Sabi ko sa sarili ko, baling araw, ito ang mga taong gusto kong makausap at mapasalamatan sa dami ng naitulong nila sa akin kahit hindi pa man kami nagkakasama. Pero hindi na pwede. Nagpaalam na sila.
Hindi ko maintindihan kung bakit ganito kabigat ang pakiramdam. Pero pipilitin kong mapanatiling buhay ang kanilang mga adhikain, sa abot ng aking makakaya.
Paalam po mga Sir.
No comments:
Post a Comment