Friday, July 6, 2007

Isang byaheng puno ng realisasyon

Dati-rati ‘pag nakikipagbunuan ako sa bus na byaheng Leveriza-San Mateo, haggardia ever ako. Lagi kong winiwish noon na sana yumaman ako, magkaroon ng sasakyan o kahit man lang perang pang-taxi araw-araw. Noong mga panahong iyon wala akong ibang pinangarap kung hindi magkapera, kumita nang buwanan at masuportahan ang luho at pangangailangan. Akala ko kasi noon kaya kong gawin lahat para lang magkapera.

Nung namalagi na ko sa Makati, araw-araw de-aircon ang transportasyon, malamig ang opisina, ramdam na ramdam ko ang urbanidad. Sa tuwing tinatahak ko yung kahabaan ng Greenbelt, bumubungad sa akin ang mga magagandang damit, magagandang sapatos, mga latest gadgets. Lahat ng tao may aura ng alta sociedad. Kapeng singhalaga ng ulam sa maghapon, dessert na singhalaga ng isang linggong grocery, mga make-up na inaangkat pa sa Paris, mga sapatos na kasing-mahal na ng edukasyon sa UP – lahat yun araw-araw kong ka-hi-hello. May iba akong nabili, pero karamihan nakangitian ko lang.

Isa’t kalahating taon akong nagpaka-feeling at home sa urbanidad. Akala ko kaibigan ko ang mga naglalakihang building at naghuhumiyaw na headlights ng mga naggagaraang sasakyan. Pero sa totoo lang, niloloko ko lang ang sarili ko. Isa’t kalahating taon akong lumutang-lutang sa hindi ma-define na mundong iyon. Lahat ng tao parang mga maliliit na isdang nakikipaglaban sa agos. Napakabilis ng agos, nakakapagpalimot ng mga kinagisnang prinsipyo, ng mga orihinal na pangarap. Nag-role play ako. Akala ko kasi cool naman i-try maging karakter sa pop films. Tipong mala-Sex and the City ang drama. Pero mali. Nakakapagod mag-role play. Nakakaubos ng enerhiya.

Kanina sumakay ako ulit ng bus papuntang Ligaya. Nagulat ako sa naramdaman kong excitement nung natatanaw ko na yung orange na bus. Sa malayo pa lang naaninag ko na na puno na yung bus, pero sumugod pa rin ako. Parang na-miss ko tumayo sa bus. Pagkasakay ko, humarurot na yung bus. May isang manong inalok sa akin yung upuan niya. Kako hindi na hanggang Ligaya lang naman ako. Sobrang bilis nung bus. Sobrang yanig kasi naman 1960s pa yata tinapon dito ng mga hapon yung mga bus na bumabiyahe dun. Nasundot pa ng buhok ko yung mata ko. Pero sa totoo lang… nung mga sandaling iyon, para akong naka-shabu sa sobrang high. High sa sobrang sarap ng pakiramdam.

Binalanse ko ang sarili ko habang nakakapit sa kalawanging tubo. Dikit-dikit kaming mga pasahero. Lahat mukhang pagod na pagod. Lahat mukhang gutom na gutom. Lahat mukhang may mga dinadalang problema. Nakita ko pa sa bandang dulo ng bus si Ate J, yung isang clerk sa AS 101. Naisip ko, ganun pala ang binubuno niya sa araw-araw para lang magtrabaho sa unibersidad at sumweldo ng kakarampot.

Yung ibang mga pasahero may mga dala-dala pang mga bagahe at paninda. Grabe ang hirap na pinagdadaanan ng mga taong iyon para lang kumita. Samantala sa kabilang dako lang na Metro Manila, gumagastos ng daan-daan ang mga isda para sa lang sa isang basong kape.

Napangiti ako. Hindi ko na inalala kung ano ang amoy ko dala ng pinaghalu-halong amoy sa bus. Sa tingin ko, doon sa bus habang nakatayo ako at bigat na bigat sa napakalaki kong bag, mas buo ako.

Isang jeep matapos ang bus ride, bumaba ako at tinunton ang terminal ng tricycle papuntang libis. Sa Eastwood kasi ang punta ko, pero ayokong magtaxi. Kung tutuusin 15 mins. lang nasa Eastwood na ako via cab pero mas ginusto kong abutin ng isang oras sa pagko-commute. Magkikita kami ng mga highschool friends ko sa Starbucks. Tingnan mo nga naman ang irony ng mundo.

Pagkababa sa trike, naglakad na ko papasok ng Eastwood. Andami na palang tao sa district na iyon. Doon ngayon umuusbong ang replica ng Greenbelt. Grabe. Napakarami na pa lang restos, bars at coffee shops doon. May high-end mall pa. Napatigil ako sandali sa baba ng MegaWorld building. Napakunot ang noo ko kasi ayokong masira ang ‘high’ na nararamdaman ko. Pero sa sandaling pag-iisip, napangiti rin ako kasi alam ko na papasukin ko ang clone ng Makati bilang ako at hindi bilang nagbabalatkayong corporate chic. Binagalan ko ang lakad; gusto kong namnamin ang mga sandali. Gusto kong testingin ang sarili ko kung ano ang mararamdaman ko.

Biruin mo nga naman. Ilang sandali lang ang nakaraan kapiling ko ang mga taong pagod na pagod sa bulok na bus tapos ayun na ako strolling sa gitna ng mga nakapormang yuppies. Pormado talaga sila, samantalang ako naka-tsinelas, nakapalda at lumang blouse, bitbit ang napakalaki kong lumang bag. Pero ang sarap ng feeling. Ibang-iba ako sa kanila. Ibang-iba kasi mas ako na ako ako.

Nang nagkita na kami nung isa kong kaibigan, halos hindi ko siya narecognize. Wala pala siyang pinagkaiba sa lahat ng tao sa distritong iyon. May sundot ng pagpupunyagi sa puso ko. Hindi naman sa hinuhusgahan ko siya; nakita ko lang sa kanya ang mga ala-ala ng isang tao’t kalahati kong pagpapanggap. Niyaya niya akong lumipat sa Dencio’s kasi gutom na daw yung mga kakatagpuin naming iba pang mga high school friends.

Nung kompleto na kami – si Trust Banker friend na nauna ko nang kinita, si General Manager of Sikat Motors, si Flight Attendant, at ako, tumakbo ang usapan sa karir at mga pangarap. Syempre mostly pera ang nagging batayan ng karir. Hindi ako masyadong nagkomento tungkol sa karir. Pahaging-haging lang ako na kailangan din ng self-fulfillment.

Nirerespeto ko ang mga kaibigang kong masaya sa pakikipagbuno sa corporate world. Bilib ako sa unlimited nilang enerhiya sa mundong pasusukahin ka ng dugo kung kinakailangan. Pero hangad ko pa rin na sana sa mundo nila ngayon ay maramdaman din nila ang naramdaman ko kanina sa bus: isang feeling ng pagkakuntento na napakahirap maramdaman ng mga isda sa dagat na pinaaalon ng salapi.

Sa gawain ko ngayon, sa araw-araw na pagpapalit-palit ng jeep at pagmemeryenda ng fish balls at quek-quek, pakiramdam ko mas buhay ako.

Nakakapagtakang nasa isang rehiyon lang tayo pero may dalawang napakalalayong mundo. Kung proximity lang ang pag-uusapan, isang kilometro, isang metro, isang dangkal lang ang pagitan ng dalawang magkaibang mundo sa iisang mundo. Nakakapagtaka. Nakakapanghinayang.

Sana lahat ng tao hindi na matali sa pakikipaghabulan sa rumaragasang urbanidad. Sana lahat maging masaya at makatulog nang matiwasay. Dahil ang totoo, lahat ng pakikipagbuno – sa MRT man o sa corporate ladder, walang saysay kung hindi tayo makakahanap ang kapayapaan ng puso at katauhan.

No comments: